20 Decembr 2010
Anluwage News Team
Naging emosyonal ang isang paring Katoliko makaraang mapanood ang movie trailer ng Father Jejemon, isa sa Official Entry sa Metro Manila Film Festival 2010 na kinatatampukan ni Dolphy, kung saan siya ay gumaganap bilang isang pari.
Sa kanyang sermon kaninang Simbang-Gabi sa St. Joseph de Gagalangin Parish sa Tundo, kinondena ni Rev. Fr. Ric Dumas ang dalawang tagpo sa pelikula na diumano'y tahasang bumabastos sa pananampalatayang Katoliko, at sa mismong Panginoong Jesus.
Ang tinutukoy ni Father Dumas ay ang eksena kung saan ay nagbibigay ng komunyon si Dolphy sa isang seksing babae at aksidenteng nahulog ang ostiya sa halos nakaluwang dibdib nito.
Ayon sa pari, na mangiyak-ngiyak at nanginginig habang nagsasalita, hindi naaangkop na hayaang salaulain ng pelikula ang kasagraduhan ng ostiya, bagamat ang ginamit dito ay hindi konsagrado, ito pa rin umano ay sumisimbulo sa ating Panginoon na nagpakababa, nagkatawang-tao, isinilang sa isang sabsaban at ipinako sa krus upang tayo ay tubusin sa ating mga kasalanan.
Wala umanong saysay ang pagluhod-luhod at pagdarasal sa simbahan ng mga Katoliko kung basta na lamang hahayaang mangyari ang ganitong mga kawalang-galang sa Eukaristiya.
Hinamon ng pari ang lahat ng Katoliko na patunayan ang kanilang pagmamahal sa Diyos at ang kanilang sinasampalatayaan sa pamamagitan ng matitinding pagkilos upang huwag maipalabas ang Father Jejemon.
"Kung kayo ay may Facebook account o Twitter, gamitin ninyo ang mga ito upang maipahinto ang pagpapalabas ng pelikulang ito. Kung may kakilala kayo sa MTRCB pakiusapan ninyo ang mga ito na kumilos upang ipatupad ang ating Saligang-batas na nagbibigay proteksiyon sa lahat ng uri ng pananampalataya," wika ni Father Dumas.
Ang isa pa sa eksenang tinututulan ng pari ay nang sumabit ang isang ostiya sa pustiso ng isang matandang babae.
Samantala, ayon sa ulat ng isang pahayagan, kumikilos na umano ang MTRCB upang muling ipasuri ang mga nabanggit na tagpo.
Sunday, December 19, 2010
Father Jejemon Boykotin!!!
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment