Powered by Blogger.

Monday, February 25, 2008

Mother Ignacia Del Espiritu Santo: Ang Daan Patungong Beatipikasyon

Sa pagpapala ng Diyos, itinaas na ni Papa Benedict XVI bilang isang Venerable si Mother Ignacia Del Espiritu Santo kamakailan sa isang pagpupulong kasama ang Prefect ng Congregation for the Causes of Saints (CCS), Jose Saraiva Cardinal Martins.

Nag-umpisa ang kanyang Cause noong 1986 sa pamamagitan ng dating Manila Archbishop Jaime Cardinal Sin sa Maynila kung saan ipinanganak at namatay si Venerable Ignacia. Oktubre 10 ng taon ding iyon binigay ng Vatican ang nihil obstat nito upang masimulan ang Cause.

Noong 1995 sinimulan ang pag-iimbestiga ng Medical Panel sa mga naiulat na paggaling sa mga sakit sa pamamagitan ni Mother Ignacia. Sumunod na taon nang ganapin ang pagdinig sa kaso ni Gng. Utanes, isang babaeng sinasabing gumaling ang sakit sa paa sa pamamagitan ni Mother Ignacia, at sa taong ding iyon inihatid ni Cardinal Sin sa Vatican ang dokumentasyon ng imbestigasyon.

Makalipas ang sampung taon, nakatanggap ng ulat ang Religious of the Virgin Mary (RVM) Congregation, ang itinatag ni Mother Ignacia, na tinanggap ng unang miyembro ng panel ang milagrong naitala mula kay Gng. Utanes; nagpakita rin ng magandang hudyat ang ibang miyembro ng panel hinggil sa pag-uulat.

Noong Pebrero 23, 2007, pinagbotohan ng Lupon ng mga Teologo ang pagtanggap sa Positio ng Alagad ng Diyos Ignacia Del Espiritu Santo at isang katanggap-tanggap na pagsangayon ang nagging hatol (8 out of 9)

Hunyo 19, 2007 nang itinakda ng Lupon ng mga Cardinal ang diskusyon sa Cause. Maganda ang naging resulta ng pagpupulong kung saan inihayag na nagkaroon ng “life of virtues to a heroic degree” si Mother Ignacia at ipinasa ang rekomendasyon sa Papa para sa pagsangayon niya.

Noong Hulyo 6, 2007 ipinalabas ng Papa ang “decree super virtutibus” na nagpapahayag na si Mother Ignacia ay namuhay sa “heroic degree the theological virtues of Faith, Hope and Charity.” Ito’y nangangahulugan na ang Alagad ng Diyos ay itinataas na sa antas ng mga Venerable. Ngunit pinayuhan ng CCS na hindi muna ito gagamitin hanggang hindi natatanggap ng RVM ang dekreto. Disyembre 23, 2007 nang matanggap mismo ni Sr. Clarita Manongas, RVM Superior, ang dekreto mula sa Vatican.

Noong Pebrero 1, 2008, pormal na inihayag mismo ni Manila Archbishop Gaudencio Cardinal Rosales ang dekreto sa Simbahan ng Binondo.

Enero 24 ng kasalukuyang taon itinakda ang muling pagdinig sa kaso ni Gng. Utanes ng Medical Panel na unang itinakda noong Nobyembre ngunit hindi natuloy dahil sa dalawang pang ibang Cause na umubos sa lahat ng oras. Kapag sumangayon na ang Medical Panel sasangayon na rin ang Theological Panel at ito ay maipapasa na sa College of Cardinals. At mula doon maipapasa ito sa Santo Papa kung saan kinakailangan na lamang ang pahintulot mula sa Papa upang maipalabas ang “decree super miraculum” na magtatakda na sa Beatification ni Venerable Ignacia Del Espiritu Santo.

Sa kasalukuyan, ang Pilipinas ay mayroon nang isang Santo (Lorenzo Ruiz), isang Beato (Pedro Calungsod), dalawang Venerable (Mother Ignacia Del Espiritu Santo at Isabel Larranaga Ramirez), limang Servants of God (Dionisia at Cecilia Talangpaz, Bishop Alfredo Obviar, Maria Arroyo, at Francisca Fuentes), at limang indibidwal pa na nakabinbin ang Cause.

(Rodney Vertido)

2 comments:

Anonymous said...

Magandang malaman na marami palang Pinoy na kandidato sa pagkasanto...tamang-tama lalo na sa panahon ngayon na pawang masasama ang nababalitaan mo. Puwede bang i-feature ang buhay nila para higit na malaman at matularan? Salamat po. Mabuhay ka Rodney! Mabuhay kayong mga Anluwage!

Anonymous said...

Hayaan po ninyo at susubukan ko pong i-feature ang mga other candidates for Canonization.

  ©Shiny by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP