
Kung tatanggapin ni Pope Benedict XVI ang panawagan ng Unibersidad ng Santo Tomas (UST), inaasahan ang isang Papal Visit sa taong 2011.
Sa mga nakaraang buwan naging maugong na balita ang tungkol sa paghimok o pag-imbita ng CBCP sa Mahal na Papa para siya ay magkaroon ng isang Papal Visit sa bansa. Ngunit naging negatibo ang kinalabasan ng mga imbitasyon.
Ayon sa bagong Rector ng UST na si Fr. Rolando V. de la Rosa, OP pinaplano na ang pag-imbita sa Papa para sa Quadricentennial celebrations ng unibersidad sa taong 2011.
Ayon kay de la Rosa inaasahan ang pagtanggap ng Santo Papa sa nasabing gagawing imbitasyon dahil ang UST ay ang natatanging Pontifical University sa Pilipinas na nangahuhulugang direktang pinamumunuan ito ng Vatican, at sa taong 2011 ipagdiriwang ng UST ang ika-400 taong anibersaryo nito.
Ang UST ay may tatlong natatanging titulo: una ito ay “Royal” na ipinagkaloob ni Haring Carlos III ng Espanya noong 1785, ikalawa ay “Pontifical” na ipinagkaloob ni Papa Leo XIII noong 1902, at pangatlo ay “The Catholic University of the Philippines” na ipinagkaloob naman ni Papa Pius XII noong 1947.
Isang tradisyon sa pagbisita sa Pilipinas ng mga naunang Papa ang siguradong pagdalaw nila sa UST. Si Papa Paul VI, pinakaunang Papa na dumalawa sa Pilipinas, ay bumisita noon ang UST gayon din ang Lingkod ng Diyos, Papa John Paul II, na dalawang ulit nagtungo sa Pilipinas.
Ang UST ang itinuturing na pinakamatandang unibersidad sa buong Asya na itinatag noong 1611 sa pangalang Colegio de Nuestra SeƱora del Santisimo Rosario. Dating nakabase sa Intramuros, inilipat ang lokasyon ito noong 1927 sa Sampaloc, Maynila nang dumami na ang populasyon ng mga mag-aaral nito. Ito rin ang pinakamalaking Catholic university sa buong mundo kung ang pinag-uusapan ay populasyon na matatagpuan lamang sa iisang campus.
Noong umugong ang balita para sa isang Papal Visit, tumutol si Lingayen-Dagupan Archbishop Oscar Cruz at sinabing maaari itong gamitin ni Gng. Arroyo sa kanyang mga politikal na motibo at hindi raw ito napapanahon. Isa pang punto ni Cruz ay ang mahinang seguridad sa bansa na maaaring maglagay sa kapahamakan ng Papa.
Noong Abril nanawagan ang isang militanteng grupo, ang Pamalakaya, isang grupo ng mga mangingisda, para sa isang Papal Visit upang makita ng Santo Papa at magkaroon siya mismo ng pag-iimbestiga sa mga hindi pa rin maipaliwanag na kaso ng extrajudicial killings sa bansa.
Magiging mahalaga para sa mga militante ang isang Papal Visit dahil inaasahan nila na ang Papa ang makakatulong sa bansa upang lubusan nang malutas ang mga extrajudicial killings. Sang-ayon sa grupong Karapatan mayroon nang 885 ang namatay habang 185 na ang nawawala mula noong manungkulan si Gng. Arroyo noong 2001.
Sinabi ni Papa Benedict XVI noong nakaraang Abril sa kanyang pagbisita sa United Nations headquarters sa New York na ang pagrespeto sa karapatang pantao at hindi karahasan ang susi upang malutas ang mga problema sa iba’t ibang panig ng mundo.
Ipinahayag naman ni Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) President Jaro Archbishop Angel N. Lagdameo na siya at si Manila Archbishop Gaudencio Cardinal B. Rosales ay nagpadala mismo ng isang sulat sa Santo Papa para sa isang Papal Visit noong Hulyo ng nakaraang taon. Ayon sa kanya tinanggihan ng Papa ang imbitasyon dahil puno na ang iskedyul ng Papa para sa taong ito.
At ayon pa rin sa CBCP President wala pa ring nakatakdang petsa para sa isang Papal Visit sa Pilipinas hanggang sa ngayon. At sinabi pa nito na magugustuhan ng Santo Papa ang ideya ng isang Papal Visit sa Asya at lalo pa sa bansang may pinakamaraming populasyon ng Katoliko sa Asya, ang Pilipinas.
Ang Pilipinas ay may kabuuang 80 porsyento ng kabuuang populasyon ng bansa na nagpapahayag na sila ay mga Katoliko. (Mark Rodney P. Vertido )
No comments:
Post a Comment