Isang mag-aaral ng Mariano Marcos State University – College of Teacher Education (MMSU – CTE) ang naging daan upang magkaroon ng pakikipag-usap sa isang multo na nagpaparamdam sa nasabing paaralan, Agosto 8, 2008.
Ang pangyayaring ito ay maihahalintulad sa isang programang pantelebisyon na may pamagat na “Ghost Whisperer,” kung saan isang dalaga ang nagiging daan upang makipag-usap ang mga kaluluwa sa kanilang mga kamag-anak dito sa lupa.
Ayon kay Leah Bungubung, ang naturang dalaga na maituturing na isang ghost whisperer, ang multo ay tulad sa white lady. Ang white lady raw na ito ay nabulabog ng minsang magsisigaw ang isang propesora dahil sa pagparking ng iba sa nakatakdang parking space niya sa garehe ng kolehiyo kung saan ang kaluluwa ay naninirahan. Masyado raw nasaktan ang kaluluwang ito nang sabihin ng propesora na ang lugar na iyon ay para lamang sa kanya.
Una itong nakita ni Bungubung sa isang silid at pagkatapos ng tatlong araw nagpakita ito sa kanyang panaginip kung saan sinabi ng multo ang kanyang mga kahilingan. Sinabi naman ito ni Bungubung sa propesorang nabanggit.
Dahil naman sa banta ng kaluluwa, tinupad ng propesora ang mga kahilingan ngunit kaninang umaga nagpahayag ang multo sa pamamagitan ni Bungubung na gusto nito ng isang Misa para sa kanya. Ngunit dahil sa walang paring matawag, nagkaroon na lang ng isang prayer vigil sa silid na pinagpapakitaan nito.
Pagkatapos ng prayer vigil, sinabi ni Bungubung na nagpapasalamat ang multo para sa panalangin ngunit ang gusto pa rin nito ay isang Misa at ang makatotohanan na paghingi ng patawad ng propesora.
Nagpahayag na ang Administrasyon ng MMSU – CTE ng pagkakaroon ng Misa sa lalong madaling panahon. Umabot na ang balita sa Vicar General ng Diocese, Msgr. Policarpo Albano ngunit hanggang sa ngayon wala pang tiyak na aksyon ang Diocese ng Laoag sa naturang kaso ng pagmumulto. ( Mark Rodney P. Vertido )
Friday, August 08, 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment